Itong blog na ito ay aking isinulat upang maipahayag ko ang aking mga pananaw at ideya ukol sa aking balak na pagbabago ngayong taon na ito. Ito rin ang aking unang hakbang upang masanay ako na magsulat sa Tagalog o Filipino, sapagkat nais kong maging kasapi ng aming pahayagan sa unibersidad.
Itong mga oras ding ito, hinihintay ko ang panunumpa ng ika-44 na pangulo ng Amerika na si Mr. Barack Obama. Matindi talaga ang suporta sa kanya ng kanyang mga kababayan, higit din ang suporta sa kanya ng iba't ibang lahi mula sa iba't ibang lupalop ng mundo. Parang masasabi ko na rin na siya ang pangulo ng buong mundo sa isang banda. Mga kilalang tao ang sumusubaybay sa kanya, ngunit mas dapat nating bigyang pansin ang mga susunod na kaganapan kung siya ay nasa pwesto na. Lahat ng mga seremonya at pagtitipon na naganap ay mga panimula lamang, kumbaga sa isang magasin, mga larawan lamang ng kung ano pa ang dapat abangan sa nilalaman. Excited na ako sa kung ano ang kanyang unang mga hakbang sa darating na mga araw, lalo na sa kanyang unang isandaang araw. Ngunit ang aking mas ikinababahala ay kung paano niya tutugunan ang mga suliranin na kinakaharap ng kanilang bansa, maging sa buong mundo. Ang peligro ng Global Economic Crisis, digmaan sa Israel, at iba pang problema ay higit na nakasalalay sa kanya, sa kung ano man ang kanyang mga paunahing kilos upang matugunan ang mga ito.
"The CHANGE we need" ang kanyang mga paunahing salita sa kanyang mga kampanya. Ngunit bukal ba sa mga tao na magbago? Para bagang puro salita lamang, at wala naman sa gawa. Pero hindi muna ako masyadong maghuhusga, dahil naniniwala ako na kung bukas ang puso ng mga tao sa pagbabago, walang makapipigil sa kanila na kumilos upang makamtan ang kanilang mga naisin.
Hindi man ako tunay na tagasubaybay ng mga pangyayari sa ating paligid, bukas naman ang aking puso na magbago, at dahil dito, naging inspirasyon si Pangulong Obama sa mga balak kong makamtan ngayong 2009. Ilan sa mga ito ay...
1. Magkaroon ng kumpiyansa sa sarili.
-Sinisimula ko nang magkaroon na kumpiyansa dahil ito ang susi sa bawat tagumpay. Napansin ko lamang noong mga nakaraang taon, naging hadlang ang aking pagiging mahiyain dahil kulang ang tiwala ko sa aking sarili. Hindi ako tunay na nagbubukas ng loob sa ibang tao, at kinakasama ko lamang ang mga gusto kong kasama. Ngunit mali pala iyon, dahil sa realidad ng mundo, lalo na sa trabaho, bawal pumili ng mga kasama, walang kaibi-kaibigan, ikaw din ang magsisisi dahil sa huli, ikaw din ang aatras. Kaya ngayon, hinuhubad ko na ang lahat ng negatibong paningin ko sa aking sarili. Gusto kong maging bagong tao, gusto kong makita ako sa tunay na ako, walang plastikan, walang sosyalan, mga simpleng tao ang nais ko.
2. Magtabi ng oras bawat araw para magbasa ng Bibliya at magdasal sa Panginoon.
-Bakit mas nakukuha pa nating magbasa ng mga bagay na walang katuturan? Mga babasahing hindi naman angkop upang maitaguyod natin ang ating pananampalataya sa Dakilang Maykapal. Mga walang kwenta at mga babasahin na wala namang kapupulutan ng aral? Oo nga't aminado ako sa mga ito ngunit ngayon mga nakaraang araw, para bang biglang nag-iba ang ihip ng hangin. Nakita ko na lamang ang aking sarili na nagbabasa ng Bibiliya sa aming silid-aklatan sa eskwelahan. Ang aking sinasabi ay hindi lamang tatlumpung minutong pagbabasa ngunit TATLONG ORAS. Oo, tatlong pagkahaba-habang oras ang ginugol ko sa isang maselang aklat na nagbigay liwanag sa akin tungkol sa buhay lalo na noong mga nakaraang buwan at termino na sumailalim ako sa matinding pagsubok sa aking pananampalataya. Akalain mo, isa sa aking mga propesor ang nakapagkumbinsi sa akin na ang Diyos na pinaniniwalaan ko ngayon ay isang kathang-isip lamang? Lahat ng aking kinamulatan na paniniwala ukol sa ating tagapaglikha ayon sa kanya ay walang kwenta? Walang matibay na basihan? Ito naman ako naniwala at nagpaka-skeptic. Lubos akong naniwala sa lahat ng kanyang mga pilosopiya. Muntik ko na ngang bitawan ang aking mga pinaniniwalaan. Ngunit sa tulong ng aking mga kaibigan at pamilya, unti-unti akong nagising sa katotohanan. Kahit minsan medyo nakakaranas parin ng kaunting pag-idlip, pinipilit kong gumising, o di kaya'y mapuyat sa katotohanan, kaysa naman patuloy na bangungutin sa maling kaisipan.
3. Maging aktibo sa pisikal at intelektwal na paraan.
- Isang malaking ISTRESS ang aking nararamdaman tuwing pasukan. Mula ito sa aking mga asignatura, takdang-aralin, at kung minsan mga propesor. Dahil dito, tuluyan ko minsang napapabayaan ang aking kalusugan at pangangatawan. Kung minsan ay isang beses lamang ako kumakain sa isang araw, lagi pang napupuyat, at natutulog na lang bigla. May mga karamdaman na din ako parang isang matanda. Kaya nga't lagi kong iniisip mag-ehersisyo ngunit marami akong dahilan kaya hindi ko nagagawa ito. Ang panonood ng telebisyon ang unang-una dyan, ang pag-iinternet ng kung anu-ano na wala namang madadalang dulot sa aking sarili, at ang patuloy na pagka-adik ko sa aking kama, oo, mahilig akong humiga at mag-ilusyon ng mga imposible. Minsan nga ay nagbibilang na lang ako ng ganito..."Im gonna die in 3, 2, 1, sabay pikit ang mga mata, pero ni hibla ng aking buhok hindi man lamang gumalaw". Minsan ay gusto kong bumalik sa nakaraan, maging isang Rose Dewitt-Bukater at lumubog sa gitna nang nagyeyelong tubig kasama ang aking Jack Dawson. Ngunit huli na ang lahat nang malaman ko na nanonood lang pala ako sa Star Movies ng Titanic, Mega. Bakit Mega? Hindi ko din alam, matagal ko na din tinatanong yan, sa bandang huli, naisip ko tatlong oras kasi ang haba ng pelikula, kaya Mega.
Diba parang walang koneksyon? Tulad ng blog na ito na nawalan na rin ng direksyon. Kaya tatapusin ko na lang ang pagsusulat ko, dahil nais na ng mata kong pumikit, ngunit patuloy pa din ang aking mga kamay, ano ba yan, ayaw tumigil, sandali, malapit na, konti na lang, ayan, this is it, talagang talaga, 3, 2, 1... bang!!!!---zZzZzZzZZzZzZ.....
Wednesday, January 21, 2009
Subscribe to:
Comments (Atom)